Si Andres at ang kanyang pulang pantalon

Posted in Mga Lathala na may mga marka , , , , , , , , , , , , , on Disyembre 13, 2008 by misterkape

“Bakit kulay pula ang pantalon ni Andres Bonifacio?”

Sa kasalukuyan ako’y nagbabasa ng librong gawa ni Bob Ong na pinamagatang “Stainless Longganisa”. Tulad ng ilang librong kanyang nabasa, ay matagal na in sa akin ito pero kailan ko lamang naisipang buklatin at basahin. Naluma na nga sa pagkakatago e at hindi ko na maalala kung sino ang nagpahiram sa akin nito.  Salamat nga pala sa nagpahiram.

Sa dulo ng mga kabanata ay may mga nakatalang mga katanungan bilang pagsasanay.  Halimbawa nito ay ang katanungan na nasa itaas na nakasaad sa unang kabanata ng libro at aking sasagutin sa entry na ito.

Bakit nga ba pula ang kulay ng pantalon ni Andres?  Marahil ay kadalasan nating maririnig ang mga sagot sa tanong na iyan ay ang sumusunod:

  • Kulay ng dugo na ginamit bilang panlagda na sumusumpa sila na ipaglaban ang mga pilipino at mabuo ang kanilang organisasyon.
  • Sagisag ng kanilang kapatiran, o di kaya’y
  • Kulay ng rebolusyon (madugo ito!)
  • At iba pang mga popular na sagot.

Ang aking kasagutan nama’y marahil ay takot siya sa kanyang misis. (Kaya nga din siguro nabuo ang katawagang andres sa mga lalaking under sa kanilang mga misis, tama ba?)  Takot siya na sa tuwing uuwi ay itak naman ni kumander ang sumalubong sa kanya, dahil sa mga tilamsik ng dugo ng mga tinagang kastila ang kanyang pantalon.  Aba’y mahirap pa man ding magtanggal ng mantsa, lalo na dugo.  Hindi pa uso ang tide noong mga panahong iyon, na pwedeng sabihin ni Andres sa mga kastila na “Lagot kayo sa misis ko”.  Sabay dating ng tide para tanggalin ang mantsa at sa bandang huli ay siya naman ang makaganti.  Baka daw kasi, sa halip na siya ang mag-aklas laban sa mga kastila ay ang misis niya ang mag-aklas laban sa kanya at masigawan pa siya ng kanyang misis na “Hoy Andres, Bakit na naman panay dugo ang pantalon mo? Halika dito at ako naman ang tataga sa iyo.”

Hindi din naman kasi siya tulad ni Aguinaldo na di-baril at pwede na lang niyang paputukan ng malayuan ang mga kalaban.  Hindi din siya tulad ni del Pilar na ayon sa aking mahal na creamer ay “aba, bongga siya, di-baril na, nakakabayo pa.”  Tsutsal, dagdag pa niya.  At lalong hindi din siya tulad ni Rizal na libro at panulat ang kanyang panlaban.

Kaya naisip ni Andres na pula ang pinakamagandang gamitin na pantalon tuwing makikipaglaban.

Pacman Wins!

Posted in Mga Lathala na may mga marka , , , , , , , , , , , on Disyembre 7, 2008 by misterkape

Nagpapalipat-lipat ako sa iba’t ibang mga site sa internet nang bigla akong mapadpad sa site ng Inquirer.net at masulyapan ang pahinang ginawa nila para kay Pacman. Sinubaybayan ko na rin hanggang matapos ang laban at lumitaw na sa mga post na siya ay nanalo na.

Hindi ako mahilig sumubaybay sa kanyang mga laban dati pa. Ngayon lang kung kailan pa ako walang mapapanoorang tv tsaka ako nagkaroon ng pagkakataong sumubaybay. Buti na lang ay may internet na. Iba na talaga ang nagagawa ng teknolohiya. Pwede nang malaman ang mga nangyayari sa kabilang panig ng mundo sa ilang pindot lamang.

Naalala ko din sa mga nakaraang laban niya na laging tumatahimik ang kalsada. Lahat ay humihinto muna para lang masaksihan ang kanyang mga laban.  Isang pangkaraniwang mamayan lang siya dati na ngayo’y nagbibigay na ng pag-asa at nagbibigay ng lakas ng loob sa mga Piilipinong patuloy na lumalaban para sa mga sarili nilang mga pangarap at inaasam, isang pilipino na ngayon ay naguhit na sa malaking bahagi ng kasaysayan ng mundo ng boksing.

Kaya, isang pagpupugay (kahit hindi niya ako fan) sa iyo, Manny, dahil sa iyong naiuuwing karangalan para sa iyong mga kababayan.

Nakita ko rin pala itong ads ng Nike para kay Manny:

http://www.nike.com.ph/giveusthisday/

Naisip ko na ring ilagay. Hindi ko nga lang mai-embed mismo. Sayang, magandang dekorasyon pa naman sana sa pahinang ito. Hehehe.

Lola

Posted in Mga Lathala na may mga marka , , , , , , on Disyembre 4, 2008 by misterkape

Tipikal na makikita sa ating mga Pinoy ang katulad ng nasa larawan sa ibaba.  Kadalasan, ang mga lola natin ang nag-aalaga sa atin kapag wala ang ating ina. Siya ang tumatayo bilang pangalawang ina natin. Nag-iiwi sa atin sa duyan, nagpapalit ng lampin, kalakalaro at nagbibigay libang habang tayo’y sanggol pa.

Sa tuwing nakikita ko ito at yung mismong lola sa litrato ay naalala ko ang aking inang(lola ko).  Nakakamiss ang pagkabata ko, ang pag-aalaga niya nung bata pa ako.  Ang pagtakbo ko sa kanyang kwarto at pagtabi sa kanya tuwing binabangungot ako, pagpunas ng hinigaan kong basa pagsapit ng umaga dahil sa pagkakaihi ko at ang kanyang walang tigil na sermon na kadalasa’y inilalabas ko lang din sa kabilang tainga. Nakakamiss din na tuwing may gusto akong gawin o samahang lakaran ay siya din ang tututol habang lahat ay oo ang sagot, sabay takbo ko sa aking silid at magdadabog. Marahil ay nag-aalala lang siya sa panganib na pwedeng mangyari sa akin. Salamat. Naalala ko rin na mas galit pa siya sa aking ina tuwing uuwi ako na may mga sugat ako dulot ng aking kakulitan, ang mga palo niya na madiin tuwing ako ay may kasalanan. At pagtuturo kung paano magmahal ng kapwa ko. Isa ang aking lola sa may malaking naidulot sa pagkakahubog ng aking pagkatao. Kung ano o sino man ako ngayon.

Para sa aking lola, sa kanyang nalalapit na kaarawan, maligayang bati sa iyo. Nawa’y bigyan ka pa ng sapat na lakas para tumagal pa ang buhay niyo. Gusto ko sanang makita niyo pa ang magiging apo niyo sa akin(matagal pa ata ito a). Mahal na mahal ko po kayo kahit hindi tayo laging nagkakasama.

Para naman sa lola ng isa kong malapit na kaibigan na kailan lamang ay yumao, kung nasaan man po kayo ngayon ay sana’y nasa mabuti kayong kalagayan at masaya.  Sa aking kaibigan naman, huwag ka nang malungkot. Malamang ay nakatingin siya sa iyo ngayon mula sa kanyang kinalalagyan at pinagmamasdan ka. Malamang ay ayaw ka rin niyang makitang malungkot. Pagtibayan mo ang iyong loob.

Litrato: Lola at Joseph

Kuha ni: Ms. Aissa Benitez

Lugar: tapat ng UP MSI

Ang Kupal ng mga Pinoy

Posted in Mga Lathala na may mga marka , , , , on Oktubre 17, 2008 by misterkape

Ang Kupal ng mga Pinoy.

Kanina sa tawiran galing Trinoma, hindi pa nakahinto ang mga sasakyan nagsitawiran kaagad ang mga tao. Naiwan tuloy sa gitna ang ilang sasakyan. Palibhasa kasi, alam nila hindi sila nito babanggain. At kung umasta pa sa gitna ng daan ay mistulan pang siga sa isang iskinita ng Tondo. Masagi sila, sila pa ang galit dun sa makabangga.

Ang kupal ng mga Pinoy.

Eksenang kalye uli. Ang haba at ang bigat ng trapiko. Na halos hindi makagalaw ang mga sasakyan. Ewan ko ba naman kung bakit yung mga nasa likod ay busina ng busina ng pagkaingay-ingay. Wala namang magagawa ang pagbusina nila dahil hindi nga makagalaw ang mga nasa harap. Ang iinit pa ng mga ulo. Ayjusku!

Ang kupal ng mga Pinoy.

Sa MRT Taft Station, pila para sa inspekyon sa pagpasok sa istasyon. May lubid at bakal na nga na harang para maiayos ang pila, ay, may herodes pang naglembo sa lubid para makasingit. Hoy manong, sa likod po ang dulo ng pila hindi sa gitna.  Para sa mga ate, manang, inay, mga bebot at feeling bebot naman. Hindi kayo makakaupo sa dami ng kalalakihang kupal kung wala kayong mala-anghel na mukha o kaya’y tulad sa linya ng kanta ni jay na “36-24-36, yan ang sukat ng makinis mong, yes, katawan! pusturang coca-cola, yeah!”.

Ang kupal ng mga Pinoy.

Eksenang MRT uli. Ako’y nakapila palabas naman ng Taft Station. Nang may biglang lumapit na feeling magandang dilag na nakauniporme at sinabing “Pwedeng pasingit” sabay pacute. Aba’y hindi ko nga pasingitin. Hindi porke’t babae ka miss ay makakagulang ka na sa mga lalake. Ginagamit mo ang pagkakababae mo sa mga ganyang bagay. Aba’y maghulos dili ka naman ineng. Pero hindi naman ako nakalabas sa linya na yun dahil hindi pwede dun ang gamit kong tap card. Ayan napahiya tuloy si manoy. hehehehe.

Ang kupal ng mga Pinoy.

Sa mall naman. May nakasabay akong isang lalake sa paglalakad. Habang tinatahak niya ang daanan siya’y patext text nang may makabangga siyang isang ale. Biglang napasigaw ang lalake ng “Ano ba  yan? Hindi tinitingnan ang dinadaanan”. Teka manoy, ikaw ang hindi tumitingin sa dinadaanan habang nakikipagkalantarian ka diyan sa cellphone mo. Ang kapal ng mukha a. Sa susunod huwag ka na magtext habang naglalakad.

Ang kupal ng mga Pinoy.

Mabalik uli sa eksenang lansangan at iskinita bilang dagdag. Marahil ay napapansin niyo din habang kayo’y naglalakad pauwi o habang lulan ng trayk ang mga poste ng Meralco. Di ba may mapapansin kayo na mga nakapaskil? Katulad ng “Tubero Joel xxx-xxxx” o di kaya’y “Tubero Ed xxx-xxxx”. Kahit saang sulok yata ng kamaynilaan ay may ganito basta may poste. Kahit saan ay nakapaskil na nagmimistulang kalat sa lansangan. Hindi ba natin pwede maisaayos yan sa isang lugar na lang? Ito na rin yata ang isa sa mga sikat na propesyon dito sa manila. Hindi din ako magtataka kung may biglang lumitaw diyan na “Tubero Superman xxx-xxxx” ten-tenenen-tenen. Sa baba ng karatula ay “Man of steel, tougher, better, will put your Plumbing problems away!”. Baka naman pati guro kong gurang ay mapatawag niyan sa kanyang numero kahit walang tutubuhin.

Ilan (kakarampot lang to) lamang yan sa mga hindi magagandang mga asal ng mga pinoy na mapapansin natin o problema sa lipunan natin. Pero sa kabila ng mga iyan, para sa akin, marami din namang magagandang kaugalian ang mga pinoy. Mabait, maunawain, matiyaga, at laging mapagmahal at iba pa. Sa ingles KIND, UNDERSTANDING, PATIENT, and ALWAYS there to LOVE. Woohoooo!

Kaya KUPAL ang mga Pinoy.